Nagpahayag ng pag-asa si VP Sara Duterte na maaaring magtulungan ang Pilipinas at China sa pagtugon sa mga karaniwang hamon na kinakaharap ng 2 bansa kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 taon ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng PH at China.
Sa kaniyang maikling video message para sa 2025 Chinese New Year na hi-nost ng Chinese Embassy sa Manila, sinabi ni VP Sara na sa loob ng limang dekada, hinangad aniya ng 2 bansa na pagyamanin ang bilateral relations alinsunod sa sovereign equality at pagkamit ng milestone sa iba’t ibang larangan ng kooperasyon.
Binanggit din ng Bise Presidente na ang 2025 ay lalong makabuluhan dahil ipinagdiriwang ng mga bansa ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon.
Binati din ni VP Sara ang Chinese Embassy sa Manila at ang ambassador nito na si Huang Xilian, ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., ang Federation of Filipino Chinese Association of the Philippines, at ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. na co-host ng pagdiriwang ng Spring Festival.