-- Advertisements --

Dapat na magsuot pa rin ng face mask ang mga indibidwal na kabilang sa vulnerable population kahit na wala pang ebidensya na nakakapagdulot ng severe disease ang COVID-19 Omicron subvariant na JN.1 ayon sa isang eksperto.

Kabilang dito ang matatanda, immunocompromised at may mga comorbidities.

Ayon kay infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, ang pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar ay nagbibigay ng karagdagang proteksiyon dahil walang garantiya na gagana ang mga bakuna laban sa Omicron subvariant.

Paliwanag pa ni Dr. Solante na hindi kailangang magpanic ng publiko dahil hindi tulad ng Delta variant, ang bagong na-detect na covid-19 subvariant sa bansa ay mild type ng coronavirus.

Base sa datos mula sa Department of Health nitong linggo, nakapag detect na ng kabuuang 18 kaso ng JN.1 sa bansa subalit lahat ng mga dinapuan ay nakarekober na.