MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mananatiling prayoridad ng pamahalaan sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ang mga indibidwal na itinuturing na “vulnerable” sa coronavirus infection.
Kabilang sa mga itinuturing na vulnerable o mataas ang tsansa na mahawa at mamatay sa sakit ay ang mga healthcare workers, senior citizens, at may comorbidity o ibang sakit.
Ang pahayag ng ahensy ay kasunod ng pagbubukas ng COVID-19 vaccination sa A4 o essential workers.
Pati na ang approval ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagtuturok ng Pfizer-BioNTech vaccine sa mga 12 hanggang 15-anyos.
“Sa espirito ng limitadong bakuna sa Pilipinas, sinusunod natin yung prioritization framework na yung older individuals, most at risk, and vulnerable population muna,” ani Dr. Napoleon Arevalo, DOH Director IV.
“Kung mayroon na tayong sapat na bakuna, ikokonsidera na natin yung ating mga kabataang 12-years old (pataas) para sa mga nararapat na bakuna sa kanila.”
Nitong Lunes nang opisyal na simulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga A4 individuals.
Noong nakaraang buwan naman nang payagan ng Food and Drug Administration ang pagbabakuna sa mga 12 to 15-years old gamit ang Pfizer vaccine.
Sa kabila nito, nakakaranas ng pagkaubos sa supply ng COVID-19 vaccines ang mga local government units.
“Importante rin na ang ating A1, A2, A3 are still ang priority, habang binabakunahan natin ang A4. Kaya may special lanes sa vaccination sites kasi di pa naeexhaust yung pagbabakuna sa A2 to A3.”
Bukas mayroong 1-million doses ng Sinovac vaccine na inaasahang dadating sa bansa.
Bago matapos ang Hunyo, karagdagang 2-million doses ng Pfizer at AstraZeneca vaccines din ang dadating mula naman sa COVAX Facility.