Muling nagpakita ng kanyang big game ang beteranong si Dwayne Wade upang malusutan ng Miami Heat ang Atlanta Hawks, 114-113.
Ito na ang ika-29 na kabuuang panalo ng Miami ngayong season.
Sa apat na beses nilang banggaan sa Hawks, ngayon lamang nanalo ang Heat na naghahabol sa NBA playoffs.
May kabuuang 23 points si D-Wade kung saan 14 dito ay kanyang naipasok sa fourth quarter.
Kung maaalala noong nakaraang linggo ay nasilat ng Miami ang defending champion na Warriors nang himalang maipasok ni Dwayne ang kanyang three pointer sa huling segundo ng laro.
Sa game naman nitong nakalipas na weekend naitala ni Wade sa NBA history ang kanyang galing sa depensa nang tanghalin siya bilang all-time leader sa blocks ng isang guard.
Nalampasa pa niya ang NBA great na si Michael Jordan kung pagbabasehan ang regular-season at playoff games.
Sa pagkakataong ito sa opensa naman siya namayani kaya tinawag tuloy ito ni Fil-Am Heat coach Erik Spoelstra bilang “Hall of Fame poise.”
“That’s textbook, Hall of Fame poise,” ani Spoelstra. “He’s playing his best basketball of the season right now.”
Tumulong sa kampanya ng Heat sina Josh Richardson na may 19 points at Justise Winslow na nagdagdag ng 18 para tumabla ang team sa Charlotte sa ika-siyam na puwesto sa Eastern Conference.
Sina Dion Waiters ay nag-ambag din ng 14 at si Kelly Olynyk ay nagpakita ng 12 point.
Sa panig ng Hawks si Vince Carter ay may kabuuang 21 points na nagmula lahat sa kanyang 3-pointers.
Nagpaabot din ito ng kanyang pagsaludo si Carter kay Wade bilang kanyang final head-to-head duel bago magretiro ang Heat guard.
Samantala sunod na haharapin ng Hawks sa Martes ang host San Antonio bilang una nilang game ngayong season.
Ang Heat naman ay bibisita sa Charlotte sa Huwebes kung saan target nilang makaganti sa 0-2 record nila ng Hornets.