-- Advertisements --

Nagpakawala ng 25 points, 11 rebounds at 10 assists si Dwyane Wade sa kanyang huling NBA game, ngunit dinomina ng Brooklyn Nets ang Miami Heat, 113-94.

Dahil dito, nagtapos na may 42-40 ang Nets at lumapag sa No. 6 seed sa Eastern Conference.

Kinilala ng Brooklyn si Wade sa isang video tribute sa pregame introductions kung saan naka-highlight ang ilan sa kanyang mga “notable shots” laban sa kanila sa loob ng 16-taong career.

Kasabay rin ng panonood ng kanyang mga matatalik na kaibigang sina LeBron James, Chris Paul, at Carmelo Anthony sa courtside, itinala ni Wade ang kanyang ikalimang career triple-double sa ika-1,054 regular-season game nito.

Nagbabad ng 36 minuto si Wade sa laro at nakatanggap pa ng mga masigabong palakpakan mula sa mga fans sa tuwing hawak nito ang bola.

“I was like, I don’t know why, but everybody feels like now you’ve got to go out and score 60 in your last game because Kobe did it,” wika ni Wade. “So hopefully I took the bar all the way back down and say let’s go get a triple-double, that’s easier.”

Nanguna naman sa panig ng Brooklyn si D’Angelo Russell na pumoste ng 21 markers, tampok ang pitong 3-pointers.