Makasaysayan at puno ng emosyon ang huling game ni Dwayne Wade sa kanyang homecourt sa Miami sa ginawang pagtambak ng Heat sa Philadelphia Sixers, 122-99.
Mula sa simula ng laro hanggang sa pagtatapos nagmistulang “Wade show” ang nangyari.
Hindi rin pinatawad ng mga Heat players ang 76ers upang bigyan sya ng magandang “send off party.”
Hindi naman binigo nang magreretirong legend ang kanyang mga fans nang magbuslo si Wade ng 30 points kung saan sa fourth quarter lamang ay nagpasok siya ng 14 points.
Kinilala tuloy siya bilang best player of the game.
Bumaha ng tribute kay Wade na sa first quarter ay agaw pansin ang ipinalabas na video na may mensahe ni dating US President Barack Obama.
Nasa courtside din ang singer na si John Legend at Chrissy Teigen. Maging ang isa pang dating Heat player at nagretiro na rin na si Chris Bosh ay nakisaya rin sa pagtatapos ng 16-years na career sa NBA.
Walang tigil ang crowd sa kasisigaw ng “M-V-P” tuwing makaka-shoot at makakahawak ng bola ang 37-anyos na veteran 6’4″ guard para sa kanyang tinaguriang “One Last Dance.”
Nagpakitang gilas si D-Wade sa kanyang tatlong 3-pointers, 3 assists, 2 rebounds at 1 block sa kanyang all-around performance.
Maging ang mag-ina ni Wade ay nakisali rin sa celebration habang ang kanyang anak ay nagbitbit ng jersey number ng ama at sabay na nagpakuha pa ng larawan.
Ang malapiyesta na laro ay sinabayan naman ng masamang balita pagsapit ng third quarter nang malaman na laglag na pala sa NBA playoffs ang koponan makaraang magtala ng come-from-behind win ang Detroit Pistons laban sa Grizzlies.
Sa kabila nito, nagbunyi pa rin ang Heat Filipino American head coach na si Erik Spoelstra sa panalo ng team sabay nang pagpapaabot nang papuri kay Wade bunsod nang meron pa ring ito ibubuga nang makipagsabayan sa mga mas batang players ng NBA.
“It still was a beautiful night,” ani Spoelstra.”I’ve seen him go into his bag of tricks so many times and just compartmentalize. But I’m truly amazed that he was able to perform like that tonight.”
Umugong naman ang matinding hiyawan nang paglaruin ang isa pang beterano na si Udonis Haslem, na isa ring three-time Heat champion tulad ni Wade, na pinaglaro sa halos buong final quarter para sila ay mag-tandem.
Samantala todo kayod ang ginawa ng mga teammates na sina Bam Adebayo na nagpakita ng 19, nagtapos naman si Justise Winslow ng 16 at si Hassan Whiteside ay nagdagdag ng 15 para sa Heat (39-42).
Sa kampo naman ng Sixers (50-31) si Greg Monroe ay kumamada ng 18 points habang si Ben Simmons ay umiskor ng 16 kung saan ang kanilang team ngayon ay No. 3 seed sa papasok na Eastern Conference playoffs.
Hindi naman naglaro si Joel Embiid.
Si Jimmy Butler na meron lamang four points sa 16 minuto na paglalaro sa Philadelphia ang siyang nakapalitan ng final postgame jersey ni Wade.
Umabot sa 20,153 na mga fans ang bumuhos sa American Arena upang panoorin si Wade sa kanyang pamamaalam.
Batay sa team record, lumaro si Wade ng 575 games sa Heat uniform sa kanilang teritoryo kung saan nasa 401 ang kanilang panalo.
Nakatipon din siya ng 13,323 points sa naturang mga laro.
Sa kanyang pagsasalita, todo ang naging pasasalamat ni Wade sa mga fans at sa lugar na binansagan ding “Wade county.”
“I’m the most thankful person in this city,” pahayag pa ni Wade.
Bukas ang huling game sa career ni Wade sa kanilang pagbisita sa Brooklyn.
Samantalang ang 76ers naman ay host sa Chicago bilang hudyat ng pagtatapos ng season.
Sa Sabado na ang pag-arangkada ng exciting 2019 NBA Playoffs.