ILOILO CITY – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag basta maniwala sa mga kumakalat na anti-dengue drugs.
Ang nasabing babala ay kasunod ng pagtaas ng DOH sa national level alert dahil sa sakit na dengue sa gitna ng sunod-sunod na kasong naitala sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Health Sec. Francisco Duque III, sinabi nito na marami ang nagpapakalat na ang halaman na tawa-tawa ay mainam na gamot para sa may dengue.
Ayon kay Duque, wala pang pag-aaral ang Department of Science and Technology na nagpapatunay na ang tawa-tawa ay maaaring makatulong sa pagpapagaling sa nakakamatay na sakit.
Mas mainam aniya na hintayin ang pag-aaral ng mga siyentipiko patungkol sa naturang halamang gamot.
Kasabay nito, nilinaw ng kalihim na wala pang gamot para sa dengue.