LEGAZPI CITY – Hindi dapat kaligtaan ang pagbabantay sa iba pang mga viruses at bacteria sa paligid sa kabila ng pagtutok sa coronavirus disease (COVID-19).
Payo ng Department of Health (DOH) na ugaliing maging malinis sa katawan at kapaligiran na mabisang pangontra umano sa anumang sakit.
Ipinaalala ni DOH Bicol Local Health Support Division officer in-charge Dr. Jannish Arellano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kahit pa bumaba ng 20% ang naitalang dengue cases sa rehiyon, nananatiling mataas ang kaso sa 667 mula Enero hanggang Pebrero 22, 2020.
Pinakamaraming kaso sa Camarines Sur sa 376 dengue cases at sinusundan ng Sorsogon at Albay na may 91 at 69 na kaso habang apat katao na rin ang nasawi sa sakit na makukuha mula sa kagat ng lamok.
Dahil karaniwang maulan ang panahon sa Bicol kasunod ng mga nakakaapektong weather systems, bilin ang pagsira sa mga posibleng maging breeding places ng mga lamok.
Bukod pa sa dengue, pinag-iingat rin ang publiko sa mga food and water-borne bacteria at polio sa pamamagitan ng tamang paghahanda ng pagkain at palagiang paghuhugas ng mga kamay.