Tiniyak din ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang dapat ikaalarma ang publiko sa naging babala ng Embassy of Japan sa posibleng terror attacks sa anim na mga bansa sa Southeast Asia kasama na ang Pilipinas.
Sa statement ni PCG commandant Vice Adm. Leopoldo Laroya, sinabi nito na palagi umanong nasa alerto ang mga district commanders sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasama na rito ang pagsasagawa ng intensified border protection at 24/7 seaborne patrol operations sa kanilang mga areas of responsibility.
Ayon pa kay Vice Adm. Laroya hindi umano nagpapabaya ang kanilang mga tauhan at palaging nakaalerto upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Liban nito ang deployment ng coast guard intelligence officers ay kasama nila sa koordinasyon ang National Intelligence Committee, Anti-Terrorism Council, Armed Forces of the Philippines, at ng PNP para sa pag-implementa nang tinaguriang whole-of-nation approach sa national security.
Kasabay nito, nanawagan ang PCG sa publiko na maging alerto rin o vigilant at isumbong sa mga otoridad ang mga kahina-hinalang tao o kakaibang mga aktibidad sa mga seaports, pantalan o terminals, at mga coastal communities para maaksiyunan.