LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga residente at turista na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon matapos ang tatlong magkakasunod na phreatic eruption na naitala pasado alas-3:00 kahapon.
May taas na mula kalahati hanggang isang kilometro ang ibinugang abo sa bulkan habang mas matingkad na gray umano ang kulay nito na nangangahulugan ng mas malakas na tulak ng pwersa mula sa loob.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na wala pa namang namomonitor na indikasyon ng panibagong magma na nakaakyat na sa itaas na posibleng magdulot ng paglabas rin ng lava.
Subalit kung pag-uusapan aniya ang pressure, nananatili ito na maoobserbahan sa patulis na crater ng bulkan, maging sa mangilan-ngilang bagsak ng bato o rockfall.
Samantala, patuloy na binabantayan ang naobserbahang pag-impis sa ibababang bahagi ng Mayon upang matukoy kung magpatuloy sa pag-akyat ang trend.