LEGAZPI CITY – Wala umanong dapat ipangamba ang publiko sa posibilidad na magamit sa pamumulitika ang mahabang panahon sa pwesto sakaling pormal nang mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaliban ng halalan sa barangay at sangguniang kabataan (SK).
Ito ay matapos na ratipikahan ng 18th Congress ang bicameral conference committee report sa resolusyon ng postponement ng eleksyon sa May 11, 2020 at nakatakdang ituloy sa December 5, 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, mananatili ang mahigpit na pagbabantay ng ahensya sa mga opisyal na gumagamit sa pwesto sa ibang bagay.
Babala pa nitong hindi lamang pagkatanggal sa posisyon ang kakaharapin ng mga ito kundi maging ang patong-patong na kaso at posibleng pagkakulong.
Aniya, walang karapatang magmalaki ang mga ito sa matagal na paghawak sa posisyon dahil maaari ring hindi na umabot sa 2022 kapag binalewala ang trabaho.
Ayon kay Diño na imbes na magsimula na sa maagang pamumulitika, gamitin ang mahabang panahon sa pagsasaayos ng function ng barangay anti-drug abuse council (BADAC), pagpatupad ng solid waste management program, national immunization, road clearing at insurgency-related measures.