Nagbanta ang pangulo ng PDP-Laban nasi Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na huwag abusuhin ang mga miyembro ng kanilang partido.
Ayon kay Pimentel, kanilang nirerespeto ang kautusan ng kanilang chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte sa term sharing sa House speakership na unang pauupuin si Cayetano bilang ngayong 18th Congress at isusunod na lang si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
Sinabi ng party president na nakatakdang magpulong ngayong gabi ang mga miyembro ng PDP-Laban sa House at ang kampo ni Cayetano para pag-usapan ang term sharing, hatian sa committee chairmanship at transition.
Aniya, hindi dapat abusuhin ni Cayetano ang hatian sa chairmanship ng mga komite na dapat mapagbigyan ang mga miyembro ng PDP-Laban.
Dagdag pa ni Pimentel napakaswerte ni Cayetano dahil sa kaniya na ang unang speakership kaya’t dapat lamang na pagbigyan ang PDP-Laban members sa committee chairmanship.
Sinabi pa ng senador na 85 ang miyembro ng PDP-Laban sa Kamara, kung kaya’t dapat na maging maayos ang usapan para pagdating ng July 22 sa SONA ng pangulo ay magiging maayos ang pag-upo ni Cayetano bilang House speaker.