Nakatakdang pangunahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang pagsasagawa ng seminar ukol sa isyu ng wage distortion sa mga mangagawa.
Nakatakda ito sa Hulyo-23 kung saan pinapadalo ang mga business owner, mga Human Resource practitioner, business chamber, at mga employee organization.
Layunin ng naturang seminar na tugunan at itama ang wage distortion na posibleng dulot na rin ng bagong Wage Order.
Nagkakaroon ng wage distortion kapag nagkaroon ng government-mandated increase o wage order.
Dahil sa wage increase ay nagkakalapit na ang mga sahod ng mga manggagawa na may magkakaibang papel sa kumpanya at maging ang tagal ng panahong inilagi rito. Bagay na dapat tugunan ng mga employer.
Una nang ipinanawagan ni Department of Labor and Employment Sec. Bienvenido Laguesma sa mga employers sa pribagong sektor na tugunan ang naturang problema, batay na rin sa itinatakda ng batas.
Nitong Hulyo-1 nang inilabas ang pinakahuling Wage Order sa National Capital Region (NCR) na nagdadagdag ng P35 sa arawang sahod ng mga mangagawa sa kamaynilaan.