-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Labor and Employment na ang mga minimum wage earner sa buong bansa ay malabong magtamasa ng panibagong pagsasaayos ng suweldo sa darating na bagong taon.

Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na hahayaan muna nilang “mag-sink in” ang dagdag sahod na ipinagkaloob sa 2023, at tututukan ang departamento sa pagtiyak na ang mga pinakabagong wage order ay nasusunod.

Ngayong 2023, sinabi ni Laguesma na 15 sa 16 Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa buong bansa ang naglabas ng mga bagong wage order na nagbibigay ng dagdag sahod sa mga minimum wage earners.

Maging aniya ang board sa Caraga region, na niyanig ng lindol, ay nagsagawa pa rin ng mga public hearings at naglabas ng bagong wage order.

Hindi lamang ang mga minimum wage earners, aniya, ang nakinabang sa wage orders dahil sa wage distortion.

Sa 16 na board sa buong bansa, sinabi ni Laguesma na 11 din ang nagbigay ng dagdag sahod para sa mga household service worker mula P400 hanggang P1,000.

Una na rito, tanging ang board sa Davao region ang nagsasagawa pa rin ng deliberasyon at hindi pa nagbibigay ng wage adjustment.