-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Mas mapapabilis ang proseso ng pagtataas ng minimum wage sa Bicol.

Ito ang napagkasunduan sa isinagawang pulong ng Regional Tripartite, Wages and Productivity Board V.

Ayon kay DOLE Bicol Regional Director Zenaida Campita sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi gaya sa ibang rehiyon, diretso na sa public hearing ang usapin sa wage increase at wala nang isasagawang konsultasyon.

Sa Abril 26 at 28 naman, itinakda ang public hearing sa lungsod ng Naga at Albay habang makakapanood din sa online live streaming ang ibang hindi makakarating ng personal.

Hihimayin sa mga pagdinig ang halaga ng minimum wage na batay sa kakayanan ng mga namumuhunan at sasapat sa pangangailangan ng mga manggagawa.

Kung babalikan, mula P310 magiging P335 na sana ang minimum wage sa Bicol noong 2020 subalit hindi natuloy dahil sa pandemiya na nagpabigat sa pamumuhay ng parehong negosyante at mga empleyado.