LAOAG CITY – Naaresto ang isang waiter matapos magpaputok ng homemade caliber 22 sa kanilang bahay sa Brgy. Cabaroan, Piddig, Ilocos Norte.
Nakilala ang suspek na si Hernando Pope John Cardinal, 32-anyos, freelance waiter at residente ng Sitio Atibong sa nasabing barangay.
Ayon kay Police Capt. Khristopher King Ramos, hepe ng PNP Piddig, naginuman ang suspek at dalawang kasama sa kanilang bahay.
Sa hindi malamang dahilan ay kinuha ng suspek ang kanyang homemade caliber 22 na baril at pinaputok ito.
Naalarma naman ang dalawang kasama nito na sina Antonio Pasion Jr na residente ng Brgy Loing, Piddig at si Jocas Lorenzo ng Brgy. Cabaroan.
Agad nagtungo si Pasion sa mga pulis upang ipaalam ang nangyari.
Dahil dito ay naaresto ng mga otoridad ang suspek kasama ang dalawa dahil sa paglabag sa ilang guidelines ng enhanced community quarantine.
Sa ngayon ay inihahanda na ang reklamo na isaampa laban sa suspek sa paglabag sa RA 10591 at alarm and scandal habang ang dalawa ay paglabag sa RA 11332 o non-cooperation hinggil sa enhanced community quarantine.