-- Advertisements --

DAVAO CITY – Binigyang linaw ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na wala siyang alam patungkol sa inilabas na matrix ng Malacanang na may kaugnayan sa umano’y plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Mayor Inday, kailangan na ipaliwanag ng Pangulo kung paano nasangkot ang isang media company at ilang mga personalidad.

Inihayag din ng alkalde na dahil si Pangulong Duterte ang nagpalabas sa listahan ng Matrix, mas mabuti umano na ito rin ang magbigay ng paliwanag sa naturang usapin.

Samantala, bilang reaksiyon, nanawagan naman ang pinuno ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga kagawad ng media na maging matatag sa trabaho lalo na sa malayang pamamahayag.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nonoy Espina, NUJP national president, aminado ito na mayroong mga kagawad ng media na apektado na ang trabaho dahil sa takot na nararamdaman.

Subalit, naninindigan si Espina na hindi dapat na magpadala sa takot ng mga taga-media at maging matatag sa lahat ng oras.

Dapat din umanong alalahanin ng mga mamamahayag na ang ginagawa ng industriya ay hindi lamang para sa isang tao ngunit para sa mamamayan.

Dagdag pa nito, dapat rin na maintindihan ng lahat na malaki ang ginagampanan na papel ang media partikular sa demokrasya sa bansa.