Aminado ang isang Filipina na nakapangasawa ng Ukrainian national na halos hindi pa rin sila mapanatag, kahit wala naman sila sa mismong sentro ng sagupaan sa pagitan ng Russian troops at Ukrainian forces.
Ayon kay Rhea Rose Ramos-Taibova mula sa Ismila, may mga pagkakataong kahit alanganing oras ay magtatago sila ng kaniyang pamilya sa bomb shelter o sa mas ligtas na lugar.
Sa pagsasalarawan ni Rhea sa panayam ng Bombo Radyo, tensyonado sa kanilang lugar maging sa iba pang bahagi ng Ukraine, kahit malayo pa sa conflict areas.
Doble din umano ang kaniyang alalahanin dahil may maliit silang anak, habang may iba pang kaanak na malayo sa kanilang bahay.
Pero tiwala itong matatapos din ang gulo sa kanilang kinaroroonan sa mga susunod na araw.
Aniya, ang kanyang mister ay pinayagan na rin niyang mag-volunteer sa gobyerno upang makatulong sa pagdepensa sa kanilang bansa.
Gayunman, marami rin naman paraan kung paano ang pag-volunteer at hindi lamang sa pagbibitbit ng armas.
Nandiyan din umano ang pagtulong sa mga lumilikas, pagtitipon sa mga relief goods, at iba pa.