Kumbinsido si dating Presidential Spokesman at human rights lawyer Harry Roque na walang masama kung ipapakita ng Philippine National Police (PNP) ang data kaugnay sa mga napatay sa anti-drug operations lalo kung wala namang itinatago.
Sinabi ni Atty. Roque, mas mabuti kung isumite ng PNP sa High Commissioner on Human Rights ang mga datos at patunayang karamihan sa mga napatay ay nanlaban talaga.
Ayon kay Atty. Roque, walang dapat ikabahala kung ilabas ang mga datos dahil hindi naman ito imbestigasyon at sinabi na rin ni PNP Chief Oscar Albayalde na available ang mga nasabing impormasyon.
Una ng inihayag ni Gen. Albayalde na bahala na ang mga mas nakatataas na opisyal ng pamahalaang magdesisyon kung isusumite sa United Nations Human Rights Commission (UNHRC) ang anti-drug operations data kasunod ng resolusyon ng Iceland para imbestigahan ang umano’y extra-judicial killings sa bansa.