LEGAZPI CITY – Wala umanong naitalang malaking pinsala sa bayan ng Calatagan, Batangas kasunod ng Magnitude 6.3 na lindol na tumama pasado alas-7:00 kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ronaldo Torres ng MDRRMO Calatagan, nagpapatuloy pa sa ngayon ang pag-iikot ng team subalit sa paunang natanggap na mga ulat may ilang minor damages lamang na nakita.
Hindi naman umano ito dapat na ikabahala dahil hindi naman napinsala ang mga critical infrastructures.
Normal rin umano ang suplay ng kuryente sa lugar habang maayos din maging ang linya ng komunikasyon.
Ipinagpapasalamat naman ng opisyal na malalim ang pinagmulan ng lindol kaya’t hindi nagdulot ng banta sa tsunami lalo pa’t 19 sa 25 barangay sa bayan ay coastal areas.
Nakaharap ang mga naturang lugar sa West Philippine Sea.
Bukod sa pagkabigla ng mga residenteng nagsisimba at namamalengke sa bayan, wala na rin naman umanong gaanong epekto ang lindol habang hindi rin gaanong ramdam ang mga lakas ng mga aftershocks.