Ayaw umanong mausog ang Team Pilipinas sa pagkakataong ito, kaya naman iibahin na rin nila ang diskarte sa send off ng mga Pinoy athletes na sasabak sa pinakamalaking sporting event sa boung mundo – ang Tokyo Olympics.
Ilang araw mula ngayon ay babandera na ang kakaibang Olimpiyada sa bansang Japan sa gitna ng COVID pandemic.
Kinumpirma sa Bombo Radyo ni Philippine Olympic Committee Chairman Abraham “Bambol” Tolentino, na hindi na sila magsasagawa ng traditional na send off para sa mga atleta sa halip ay gagawin na lamang nila itong via virtual.
Kabilang din sa kadahilanan ay 15 mga athletes ay nasa ibang bansa para mag-ensayo habang nasa apat na lamang ang nalalabi dito sa Pilipinas.
Samantala sa weekend ay magsisimula nang magdatingan ang ilang atleta sa Japan, habang tatlong araw naman bago ang pagsisimula ng Olimpics sa July 23 ay magdadatingan naman ang iba pang mga sports officials.
Wala na ring sasali sa parade of nations na mga atleta upang hindi mapagod.
Liban na lamang sa dalawang flag bearer ng bansa.
Ang magmamartsa naman na bahagi ng official delegation ay sina chef-de-mission Mariano “Nonong” Araneta, Philippine Judo Federation president Dave Carter, boxing coach Nolito Velasco, skateboarding coach Daniel Velasco, Philippine Swimming Inc. president Lani Velasco, at Gymnastics Association of the Philippines President Cynthia Carrion.
“Lagi po kaming nagvi-virtual meeting at isa pong aming napag-usapan ay for the first time ‘wag na lang po pormal na mag-send off…. baka ito pong ang first time din na first gold na makuha dito po sa ating bansa,” ani Tolentino.