-- Advertisements --

CEBU – Nilinaw ni Senate President Vicente Sotto III na pagdedesisyunan pa ng kanilang grupo, ang Nationalist People’s Coalition (NPC), kung sino ang susuportahan sa pagiging Speaker of the House sa pagpasok ng 18th Congress.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sotto, sinabi nito na malaki ang kanilang grupo ngunit wala pa silang desisyon.

Gusto aniya sana ng NPC na si Antique Representative Loren Legarda ang maging Speaker of the House ngunit sinasabing hindi interesado ang kongresista.

Siniguro ni Sotto na kay Legarda ang boto ng NPC kung sakaling seseryosohin nito ang pagtakbo para sa Speakership.

Gayunman, magpupulong pa rin ang NPC para pag-usapan kung sino ang susuportahan sakaling hindi tatakbo si Legarda.

Giit ng Senate president, parehong kaibigan nila ang mga tumatakbo para sa Speakership.

Habang inihayag naman ng isa sa mga cabinet member na si Sec. Adelino Sitoy na kahit may vote buying sa Speakership, wala itong saysay kapag si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsalita.

Binigyang-diin ni Sec. Ade na malaki ang impluwensiya ng presidente at mahalaga rin ang koordinasyon ng Malacañang at ng Kamara.