Wala pang “go signal” ang pamahalaan para bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga evacuee sa Marawi City.
Ayon kay National Dissaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, hinihingan pa nila ang local government units ng Marawi ang kanilang magiging plano para sa pagbabalik ng mga residente.
Kinumpirma ni Usec. Jalad na nasa Marawi City na ang teams mula sa Office of Civil Defense na magsasagawa ng post conflict needs assessment.
“A wala pa, kasi hinihingan pa namin yung parang plano yung LGU kung ano yung plano nila sa sa pagbalik nila dun sa Marawi,” pahayag ni Jalad.
Sinabi ni Jalad na ang pagsasagawa ng damage and needs assessment ay paghahanda para sa rehabilitation and recovery plan.
Ayon naman kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, nasa 49 out of 96 barangays sa Marawi ang “cleared” na ng militar at isinasailalim sa post conflict needs assessment.
Habang 47 barangay pa ang patuloy na kini-clear ng militar.
Sinabi ni Marasigan na sa ngayon hindi pa nape-penetrate ang main battle area dahil patuloy pa ang mopping up operations ng militar laban sa mga natitirang terorista.
Ang team ay binubuo ng 145 members kung saan sa darating na October 27 ay nakatakda sila magsumite ng kanilang kauna-unahang report.
Batay sa tala ng NDRRMC, nasa 78,000 evacuees ang kanilang naitala sa mga evacuation center.