CAUAYAN CITY – Wala pang katiyakan kung kailan babalik ang klase ng mga mag-aaral sa Itbayat, Batanes dahil sa patuloy na nararanasang aftershock at sa pinsala sa mga paaralan ng naganap na lindol noong July 27, 2019.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Supt. OIC Eduardo Escorpiso ng Department of Education (DepEd) Batanes, sinabi niya na halos lahat ng limang paaralan sa Itbayat, Batanes ay hindi na puwedeng magamit.
Aniya, dinalaw na ng ilang personnel ng DepEd Central Office kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga eskuwelahan para alamin ang pinsala ng mga ito.
Marami umano silang naipangako na ibibigay na tulong para muling maayos ang mga paaralan.
Nagbigay din sila ng mga magagamit muna ng mga mag-aaral.
Sinabi ni Dr. Escorpiso na patuloy na suspendido ang klase ng mga mag-aaral sa Itbayat, Batanes subalit gagawa sila ng isang innovation upang mayroon pa ring kontak ang mga guro sa kanilang mga mag-aaral.
Ang mga pinakaapektado aniyang paaralan sa nasabing bayan ay ang Itbayat Central School, Itbayat National Agricultural High School at Mayan Elementary School.
Hindi pa nila matiyak kung kailan papapasukin ang mga mag-aaral dahil patuloy ang mga nararamdamang aftershock sa lugar.
Kung ipapaalala dalawang estudyante ng Itbayat National Agricultural High School ang namatay sa naganap na lindol