-- Advertisements --
image 276

Iniulat ng National Privacy Commission (NPC) na wala pang konkretong ebidensiya sa ngayon na nagkaroon ng data breach sa 1.2 million records ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa bansa.

Subalit sang-ayon din ang privacy watchdog sa findings ng cybersecurity firm na nagsabing hindi protektado ang data ng gobyerno.

Ayon kay Atty. Michael Santos, chief ng NPC’s complaints and investigation division na kanila ng tinitignan ang anggulo ng posibilidad na may kinalaman ito sa job applications o job recruitment.

Una ng sinimulan ng mga ahensiya ng gobyerno ang kanilang imbestigasyon sa napaulat na data breach kung saan nauna ng inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang insidente bilang grave concern.

Inisyal na ring iniulat ng BIR, CSC at NBI na walang nangyaring data breach sa kani-kanilang mga ahenisya.

Nakatakdang magsagawa naman ang NPC ng onsite investigation sa data processing system ng PNP sa araw ng Lunes, Abril 24.

Una ng iniulat ng Cybersecurity firm VPNMentor na nagkaroon umano ng malawakang data breach sa database na naglalaman ng records ng mga empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Civil Service Commission (CSC).

Ayon pa kay Cybersecurity researcher Jeremiah Fowler, ang naturang database accessible sa publiko na mayroong internet.

Naglalaman ang database ng highly sensitive personal information gaya ng pasaporte, birth at marriage certificates, driver’s license, academic transcripts at security clearance documents.