VIGAN CITY – Iginiit ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na wala umanong uupong representative sa Kamara ang Duterte Youth Partylist hangga’t hindi nareresolba ang disqualification case laban kay dating National Youth Commission (NYC) chairperson Ronald Cardema.
Ito ay sa kabila ng pagbibigay ng Comelec ng due course sa aplikasyon ni Cardema bilang Duterte Youth representative sa pamamagitan ng limang commissioner na pumabor dito.
Sinabi ni Guanzon sa Bombo Radyo Vigan, hangga’t mayroong nakabinbing petisyon laban sa dating NYC chaiperson, wala umanong uupong representative sa Kamara ang nasabing partylist.
Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo kay National Union of Students of the Philippines (NUSP) secretary-general Raoul Manuel, sinabi nito na “historic†umano ang pag-apruba ng poll body sa aplikasyon ng dating NYC chairperson dahil maliwanag naman na mali ang ginagawa nito ngunit tila pinapaboran at kinakampihan pa nila.
Kaugnay nito, nakahanda umano sina Manuel, kasama pa ng ibang grupo na komokontra sa kagustuhan ng dating opisyal ng NYC na maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang kontrahin ang naging desisyon ng poll body.
Maliban pa rito, nakahanda rin umano ang counterpart nila sa Kamara na harangin kung sakali ang proklamasyon sa dating NYC chairperson bilang representative ng Duterte Youth.