Nilinaw ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na wala pang susunod na tourist destination na isasara at isasailalim sa rehabilitasyon gaya ng ginawa sa Boracay Island kung saan anim na buwan itong isinara muna sa mga turista para linisin.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Interior and Local Government Assistant Secretary Jonathan Malaya, isa itong mahirap na desisyon at dadaan ito sa malalimang pag-aaral at mga proseso.
Ayon kay Malaya, maliban sa pag-aaral, kailangang mayroong go-signal ni Pangulong Rodrigo Duterte tulad ng ginawa nito sa Boracay Island.
Pero inihayag ni Malaya na sinisilip na nila ang Coron at El Nido sa Palawan dahil mayroon nang mga reklamo na sobra na ang dami ng establisyemento na hindi sumusunod sa mga umiiral na environmental laws.