CAGAYAN DE ORO CITY – Iginiit ng Western Mindanao Command (WestMinCom) na wala pang puwedeng pangalang indibidwal o grupo na nasa likod ng pamomomba sa Indanan, Sulu na ikinasawi ng walong katao.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni WestMinCom spokesman Maj. Arvin Encinas na nagpapatuloy pa ang kanilang pag-iimbestiga.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na batay sa report na kanilang natanggap mula sa mga otoridad, posible umano na ang grupong Abu Sayyaf ang responsable rito.
May lumalabas rin na report na inangkin ng ISIS ang pamomomba.
Sinabi ni Encinas, sa kasalukuyan ay nasa full alert ang kanilang mga tropa upang hindi na maulit ang pangyayari.
Hindi rin umano ito nakakaapekto sa kanilang morale, kahit tatlo sa kanilang mga kasamahan ang nasawi sa pamomomba.