Walang bagong kasunduan kaugnay sa pagpapahintulot sa Ukraine na gumamit ng long-range missiles mula sa Western para targetin ang loob ng Russia matapos ang naging pag-uusap sa pagitan nina US President Joe Biden at UK Prime Minister Keir Starmer sa idinaos na foreign policy summit sa White House nitong Biyernes.
Ito ang kinumpirma ng UK PM nang matanong kung kinumbinsi niya si Biden na payagan ang Ukraine na magpakawala ng long-range Storm Shadow missiles sa Russia.
Aniya, nagkaroon sila ng mahaba at produktibong pag-uusap sa ilang mga usapin kabilang ang Ukraine, Middle East at Indo-Pacific subalit walang desisyon kaugnay sa usapin sa paggamit ng naturang weapon.
Sa panig naman ng White House, nagpahayag ito ng matinding concern sa pagbibigay ng Iran at North Korea ng lethal weapons sa Russia.
Una na ngang nagbabala si Russian Presidente Vladimir Putin nitong Biyernes sa Western nations sa posibleng giyera kapag hinayaan ang Ukraine na gamitin ang long-range missiles laban sa Russia.
Ayon kay Putin ang naturang hakbang ay nagpapakita ng direktang partisipasyon ng NATO sa Ukraine war.
Una rito, makailang ulit na rin hinihimok ng Ukraine ang UK at US na payagan itong gamitin ang long-range missiles laban sa mga target sa loob ng Russia.