Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na walang banta ng terorismo sa Metro Manila kasunod nang pagkakaaresto ng mga otoridad sa isang sub-leader ng Abu Sayyaf group (ASG) na nakilalang si Ibrahim Labog Mullo.
Iprinisenta sa media ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang mga detalye ng pagkakaaresto kay Mullo na matagal na ring minamanmanan umano ng intelligence operatives.
Ayon kay Eleazar, buwan ng Enero ng taong ito nang dumating si Mullo sa Metro Manila kasama sina Arnel Flores Cabintoy alias Musab, Feliciano Mañas Sulayao Jr. alias Abu Muslim, isang nakilala lamang sa alias Rowel Adam na pawang mga miyembro nang tinaguriang Ajang Ajang group.
Una nang naaresto sina Cabintoy at Sulayao sa Brgy. Culiat sa bisa ng Martial Law order number 2 na ipinalabas noon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil sa rebelyon sa Marawi.
Sunod na naaresto ang 26-anyos na si Mullo noong September 27 sa tinutuluyan nito sa Batasan Hills kasunod ng isinagawang follow up operations ng mga otoridad.
Nilinaw naman ni Eleazar na wala namang plano sina Mullo na maghasik ng gulo sa Metro Manila batay na rin sa nakalap nilang impormasyon.
Marahil ay narito aniya ang mga nabanggit na personalidad para magtago.