-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng militar at pamahalaang lokal ng Lanao del Sur kaugnay sa napaulat na may namumuong panibagong pag-atake ng mga terorista sa Marawi City.

Batay kasi sa ulat na mayroon umanong presensya ng ISIS-inspired terrorist sa nagaganap na Juhor o pagtitipon ng mga Islam sa Basak Malutlut, Lanao del Sur.

Ayon kay Philippine Army 103rd Brigade commander Brig. Gen. Romeo Brawner, ang Juhor ay naipaalam na sa kanila noon pang nakaraang buwan.

Kaugnay nito ay nagpakalat na sila ng mga sundalo para matiyak na magiging mapayapa ang kanilang banal na pagtitipon.

Dagdag pa ni Brawner, mismong ang mga kalahok din ng Juhor ang nangako na sila ang mag-aayos ng kanilang hanay.

Sakali mang may makitang nakikihalo na kahinahinalang indibidwal ay agad nila itong ipapaalam sa mga otoridad.

Samantala, kinuha rin ng AFP ang mga pangalan ng mga banyagang kalahok sa aktibidad.

Tiniyak naman ng provincial government ng Lanao del Sur na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga municipal mayor, religious at community leaders at security sector para hindi na maulit muli ang 2017 Marawi siege.