MANILA – Nilinaw ng UP-Philippine General Hospital (PGH) na walang pasyente o empleyado ng pagamutan ang nasaktan o namatay sa sumiklab na sunog sa isang bahagi ng ospital nitong madaling araw.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng UP-PGH, agad namang nailikas ang mga pasyente ng pay ward sa ibang pasilidad ng ospital.
Ang mga pasyenteng may COVID-19 ay nilipat sa intensive care unit ng charity ward, at sa emergency room ng OB department
Ang iba ang pay patients ay inilikas sa bagong ER ng ospital.
“All of the patients in the pay hospital have to be removed from their rooms just to make sure of their safety,” ani Del Rosario sa artikulo ng Philstar.
Dahil dito pansamantalang isasara ang emergency room ng PGH, gayundin ang admission ng iba pang pasyente simula ngayong araw.
“Pakiusap po muna, sarado ang PGH ng pag-admit ng kahit ano… sarado ang ER ng PGH starting today,” ayon sa opisyal sa panayam ng DZBB.
Inamin din ng opisyal na inilipat sa Sta. Ana Hospital ang 12 bagong silang na sanggol.
Ang ibang batang pasyente naman ay inilapat naman sa mga pribadong ospital, dahil sa hiling ng kanilang pamilya.
Pasado alas-2:00 nang madaling araw nang sumiklab ang sunog sa sterilization area ng operating rooms, na nasa ikatlong palapag ng gusali.
Umabot sa “second alarm” ang estado ng sunog. Idineklarang “fire out” ang insidente bandang 5:41 ng umaga.