Binigyang diin ng Commission on Elections (Comelec) na walang “conflict of interest” sa pinasok na kontrata ng komisyon sa logistics company na iniuugnay sa negosyante at major campaign donor ni Pangulong Rodrigo Duterte noong tumakbo ito sa pagka-presidente noong 2016.
Ang logistic firm ni Uy na F2 ang siyang magde-deliver ng mga election materials gaya ng vote-counting machines (VCMs) mula sa bodega ng Comelec patungo sa iba’t ibang polling precincts sa 2022 elections.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ang F2 Logistics daw kasi ang lowest bidder sa naturang kontrata kaya naman qualified ito sa pagseserbisyo sa halalan.
Una rito, hiniling ng poll watchdog na Kontra Daya na kanselahin ang P536 million delivery contract na iginawad ng Comelec sa F2 Logistics.
Ayon kay Kontra Daya convenor Prof. Danilo Arao hindi raw ito usapin ng integridad kundi usapin ito ng pagiging disente.
Kaya naman para maalis ang agam-agam dapat daw ay ikansela na ang kontrata at i-award sa isa pang kompanya na walang potential conflict of interest.
Agad naman itong sinopla ni Jimenez at sinabing ang F2 Logistics ay magde-deliver lamang ng mga kagamitan sa halalan.
Nagbigay pa ng scenario si Jimenez na posibleng lagyan ng preloaded result ang mga VCM habang ito ay ibinibiyahe pero sa araw daw mismo ng halalan at bago ang botohan ay magpi-print ang Comelec ng zero report at dito lalabas na walang laman ang mga VCM.
Kaya naman, wala raw basehan ang mga espekulasyon ng mga mga kumokontra sa paggawad ng Comelec ng kontrata sa F2 Logistics.