CEBU CITY – Tiniyak ng Cebu City government sa publiko na walang dapat ikabahala kaugnay sa mga Persons Under Monitoring (PUMs) dahil sa banta ng Coronavirus Disease (COVID-19) na nasa Cebu City.
Sinabi ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na nakuha na ng mga kinauukulang ahensiya ang detalye ng 26 na Korean nationals na naka check-in sa iba’t ibang hotels sa Cebu.
Kaugnay nito, ipinatupad na ng city government katuwang ang mga ahensiya ng Department of Health Central Visayas, Cebu City Health Office, Bureau of Quarantine, Bureau of Immigration at iba pa ang mahigpit na pagbabantay sa mga turista.
Ayon kay Labella, nakatutok sa ngayon ang mga health officials sa nasabing mga Korean nationals upang masiguro ang kalagayan ng mga ito at upang malalaman kaagad ng otoridad ang mga susunod na gagawing hakbang para sa mga turista.
Sa datos ng Department of Health, umabot sa 14 na Koreano ang nasa hotel ng Cebu City samantalang 12 naman ang nasa hotel ng Lapu-Lapu City.
Napag-alaman na na dumating ang naturang mga turista sa bansa bago ang inilabas na entry ban ng Pilipinas sa mga Korean nationals na nagmula sa Gyeongsang Province, South Korea na may mataas na kaso ng COVID-19 sa labas ng bansang China.