Walang dapat ipangamba ang mga politiko na kabilang sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte kung totoo na hindi sangkot ang mga ito sa operasyon ng iligal na droga.
Ayon kay Philippine National Chief (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, kaya nga nagsasagawa sila ng case build up ay para patunayan kung talagang sangkot o hindi ang mga ito sa pagbebenta ng mga iligal na droga.
Pahayag ng PNP chief, napakarami ng mga pangalan ng umano’y narco-politicians ang nasa listahan ni Pangulong Duterte.
“Kaya nga may case build up, a case can be built or unbuilt, depending on the prevailing situation, yung nasa listahan ni Presidente kung walang gawa ng masama bakit matakot,” paliwanag ni Dela Rosa.
Banta ni Dela Rosa sa mga narco-politicians na kapag validated ang report na patuloy pa rin ang mga ito sa kanilang illegal drug trade, ay maghanda na sila sa kanilang mga sarili dahil ipapatupad ng PNP ng walang pag-alinlangan ang batas.
Una ng sinabi ng PNP chief na wala naman silang target areas, bagkus, ang kanilang operasyon ay ikinakasa kapag validated ang mga ulat ukol sa mga narco-politician.
Aniya, nakadepende kung sino ang unang lumabas na validated na sangkot sa iligal na droga.
Ang unang narco-politician na sinampulan ng PNP ay ang dating alkalde ng Albuera na si Rolando Espinosa, na sinundan ni Samsudin Dimaokum Mayor ng Saudi Ampatuan sa Maguindanao noong nakaraang taon sa buwan ng Oktubre.
Ang kaso naman ng mga Parojinog ng Ozamiz City ay ikatlong insidente ng mga narco-politician na in-operate ng PNP.
Kung maaalala, una nang pinatay ang mag-asawang Odicta habang pauwi ang mga ito sa Iloilo.
Si Odicta naman ay hindi politician kundi isang kilalang negosyante.