-- Advertisements --

Nanindigan ang isang opisyal ng International Olympic Committee (IOC) na walang nakatakdang deadline hinggil sa magiging kapalaran ng 2020 Tokyo Olympics bago ang pagbubukas nito sa Hulyo.

Una rito, sinabi ni senior IOC member Dick Pound na posibleng sa buwan ng Mayo na maglabas ng pasya ang mga organizers kung itutuloy o hindi ang prestihiyosong sporting event.

Pero ayon kay John Coates, chairman ng Tokyo coordination commission, kumpiyansa itong tuloy pa rin base sa plano ang Summer Games sa kabila ng coronavirus outbreak.

Hindi rin daw kailanman naging posisyon ng IOC ang sinasabing deadline sa Mayo.

“The IOC didn’t recognise any dates that Dick came up with and I think Dick backed off that as well,” wika ni Coates. “It’s all proceeding to start on the 24th of July.

“It’s never been the IOC’s position. It was Dick’s idea,” dagdag nito. “There is four months to go.”

Una nang iginiit nina Japanese Prime Minister Abe Shinzo at IOC chief Thomas Bach na walang balak na ipagpaliban ang mga preparasyon kahit na kumakalat pa ang virus.

Nakatakda namang magpulong ang executive board ng IOC sa pamamagitan ng conference call upang talakayin ang iba’t ibang aspeto ng Olympics.