-- Advertisements --

NAGA CITY – Bukas aniya si Department of Social Welfare and Development (DSWD)- Bicol regional director Arnel Garcia na humarap sa Kongreso sakaling ipatawag para linawin ang umano’y pagkaantala ng mga social pension para sa mga senior citizens.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Garcia, nanindigan itong walang nangyaring delay sa payout ng mga social pension para sa mga senior citizens sa Bicol.

Ayon kay Garcia, kampante siyang dumalo sa pagtitipon para patunayan na walang problema sa rehiyon.

Aniya, totoong may natatanggap silang mga reklamo sa ilang benipisyaryo ngunit agad namang ipinapaliwnag ng ahensya ang nangyayari.

Sa ngayon, ayon kay Garcia, nasa 93.99% ang kanilang achievement habang ang natitirang 6% ang under validation pa para malaban kung mga buhay pa ang mga ito, lumipat na sa ibang lugar o may problema sa pagiging beneficiary.

Kung maaalala, una nang sinabi ni Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr. na ipapatawag ng Kongreso ang lahat ng mga regional directors ng DSWD upang sagutin ang umano’y isyu sa pagkakaantala ng social pension sa senior citizens sa buong bansa.