Itinanggi ng Department of Justice (DOJ) na gumagamit ng “delaying tactics” ang gobyerno sa oral argument ng Supreme Court sa mga petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020.
“I don’t think so. We’re just talking about a few days here, not weeks or months,” mensahe ni Justice Sec. Menardo Guevarra nang matanong kung sinadya bang i-delay ang oral arguments na inilipat sa Pebrero 2.
Sinabi pa ni Guevarra, ang pagpapaliban sa oral arguments ay magbibigay ng dagdag na oras para sa lahat upang makapaghanda.
Una nang inaprubahan ng Korte Suprema ang hiling ni Solicitor General Jose Calida na i-reschedule ang oral argument sa mga petisyon kontra sa anti-terror law.
Ayon kay Calida, nagpositibo raw kasi sa COVID-19 ang kanyang assistant solicitor-general at ilan nitong mga staff na nakatakda sanang dumalo sa debate.
Sa hiwalay namang pahayag, sinabi ni Atty. Howard Calleja, isa sa mga unang petitioner laban sa anti-terror law, umaasa sila na matutuloy na sa Pebrero 2 ang oral arguments.
“However, we hope that the oral arguments and the case as a whole should proceed accordingly therefore the resetting to Feb. 2 should be honored and we look forward to finally present our case to the court come Feb. 2 and pray for a positive and speedy disposition on this case and uphold the Constitution and our rule of law,” pahayag ni Calleja.
Sa kasalukuyan, nasa 37 ang kabuuang bilang ng mga petisyon laban sa kontrobersyal na batas, na pinangangambahang maabuso upang patahimikin ang mga kritiko ng pamahalaan.