Nilinaw ni Health Sec. Francisco Duque III na wala pang basehan na posibleng makahawa ng coronavirus disease (COVID-19) ang mga pasyenteng asymptomatic o walang sintomas.
Sagot ito ng kalihim sa tanong ni Sen. Nancy Binay sa nagdaang Senate committee hearing nitong Miyerkules, kaugnay ng sinusunod na criteria ng gobyerno sa testing.
Aminado si Duque na malaking hamon kung paano matutunton ang tinatakbo ng virus, lalo na’t limitado pa ang testing capacity ng bansa.
Kaya ngayon prayoridad daw muna ng gobyerno na i-test ang mga symptomatic o may sintomas; mga galing ibang bansa; mga close contact ng confirmed cases; at mga nag-positibo sa rapid antibody tests.
Ayon sa Health secretary, mismong World Health Organization na rin ang nagsabi na wala pang report o ebidensyang makapagpapatunay na nakakahawa ang mga asymptomatic.
“Some reports have indicated that people with no symptoms can transmit the virus. It is not yet known how often it happens. WHO is assessing ongoing research on the topic and will continue to share updated findings,” ayon sa organisasyon.