Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na papahintulutan lamang ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa oras na may basbas na ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Pahayag ito ni DepEd Sec. Leonor Briones kasabay ng paglilinaw na mananatili ang polisiya ng gobyerno na walang magaganap na face-to-face classes.
Ayon kay Briones, bagama’t pinag-aaralan ng DepEd ang posibilidad ng limitadong face-to-face classes sa susunod na taon, ipatutupad lamang ito kapag pumayag ang pangulo.
Binigyang-diin din ni Briones na ang pagpapatupad nito ay magagawa lamang ayon na rin sa magiging rekomendasyon ng Department of Health at ng national COVID-19 task force.
Samantala, matapos ang isinagawang konsultasyon sa mga education stakeholders, nakatakda na magbigay ng ulat ang kagawaran tungkol sa pagbubukas ng klase noong Oktubre 5.
Ipinag-utos din ng kalihim ang pag-aaral sa reconceptualizing ng learning spaces post-COVID, hindi lamang ng mga silid-aralan, kundi pati ng mga tahanan, community spaces, at virtual space.