-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kumbinsido ang otoridad na aksidente ang nangyari sa pagkamatay ng trabahador ng isang factory ng frozen foods sa Brgy. Mansaya, Lapuz, Iloilo City.

Ang biktima ay kinilalang si Jomar Junco, 18, tubong Laua-an, Antique.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/SMSgt. Alain Selda, imbestigador ng Lapuz Police station, sinabi nito na hindi na inusisa pa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay ng biktima.

Ayon kay Selda, sinabi ng SOCO na imbestigahan muna ng Lapuz PNP kung mayroong foul play sa insidente.

Kung mayroon aniyang foul play, mismong ang SOCO na ang mag-iimbestiga sa pangyayari.

Lumalabas sa imbestigasyon ayon kay Selda na walang alam ang mga katrabaho ni Junco na nagiling na pala ng buhay ang biktima.

Nadatnan na lamang ng mga kasama nito na kalahati ng katawan ni Junco ay nasa loob na ng meat mixer.