Walang ebidensiya ng foul play sa pagkamatay ng isang Pinay OFW na una ng natagpuang patay at palutang lutang sa katubigan malapit sa isang pier sa Hongkong noong July 13.
Ito ang lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad sa Hongkong subalit kailangan pa aniyang antayin ang official report sa dahilan ng pagkamatay ng ating kababayang ofw ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Cortes.
Wala ding itinuturing na person of interest sa kasalukuyan.
Ayon pa sa opisyal magbibigay ng tulong sa naulilang pamilya ng nasawing ofw ang gobyerno ng Pilipinas at ng Hongkong gayundin ang employer nito.
Inaasikaso pa ang pagpapalabas ng certificate para sa dahilan ng pagkamatay ng ofw bago maisagawa ang arrangements para sa repatriation ng labi ng ofw.
Una rito bago pa man matagpuan ang labi ng ofw napaulat itong ilang araw ng nawawala.
Humingi aniya ito ng leave mula sa kaniyang employer para makapag-day off sa araw ng linggo subalit hindi na aniya nakabalik pa ang ofw na inilarawang nasa mahigit 50 taon na ang edad.