-- Advertisements --

Target ng Department of Social Welfare and Development na palawigin pa ang “Walang Gutom Kitchen” food bank initiative nito sa ilang mga probinsiya sa bansa.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, Enero 11, iniulat ni DSWD USec. Edu Punay na plano nilang maglatag ng mas maraming food bank sites sa mga lugar kung saan mataas ang antas ng kahirapan.

Kabilang sa mga tinitignang probinsiya ay ang Leyte at Samar sa Visayas at Bicol region sa Luzon.

Kabilang din ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na natukoy na may pinakamataas na antas ng kagutuman, malnutrisyon at food poverty.

Matatandaan na nauna ng inilunsad ang naturang programa sa Metro Manila partikular na sa Nasdake Building, FB Harrison, Pasay City noong Disyembre 2024.

Ang Walang Gutom Program ay inisyatibo ng pamahalaan at pribadong sektor na naglalayong matugunan ang involuntary hunger at mabawasan ang pag-aksaya ng pagkain sa bansa.