-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nakadagdag sa inspirasyon para sa Philippine national athletes ang naramdamang “apoy,” “passion” at pagkakaisa ng mga Pinoy, sa naganap na engrandeng opening ceremony performances bago pa ang kanilang laro sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Lumahok sila sa nasabing event kahit pa hindi naman lahat required na pumunta lalo na sa karamihang sasabak na ngayong araw.

Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Aiba Women’s World Boxing Championships 2019 Champion Nesthy Petecio, hinimok niya ang mga kasamahang atleta na huwag kalimutan ang pagdadasal bilang bahagi ng paghahanda sa kani-kanilang laban.

“Sa mga kasamahan kong atleta, alam kong handang-handa na tayong lahat, handang handa na tayong ibuhis ang buhay natin para sa ginto para sa Pilipinas. Lagi lang po nating tandaan na magdasal sa bawat laban natin. At lagi pong isipin na walang hinto hangga’t walang ginto,” ani Petecio

Kung maaalala, ito na ang ika-apat na hosting ng Pilipinas sa SEA Games at ang huling pagsalubong sa mga national athletes mula sa mga geopolitikal na katabing bansa ay noon pang 2005 kung saan naging overall champion ang bansa sa pagkakaroon ng 112 gold medals.

Sa ngayon, target ng Pilipinas ang pagbangon mula sa pagiging 6th place noong 2017 na nagkaroon lamang ng 24 gold medals.