-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dahil sa pinaigting na focused military operations ng Joint Task Force Central napagdesisyunan ng apat na mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na iwanan na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Ang apat na mga dating BIFF combatants – Karialan Faction ay iprenisinta kay AGILA HAVEN Focal Person Roger Dionesio; Hon. Ferdinand Agduma, Mayor ng Lambayong, Sultan Kudarat at Brigadier General Pedro Balisi, Commander ng 1st Mechanized Brigade sa Headquarters ng 1Mechanized Brigade, Camp Leono, Brgy. Kalandagan, Tacurong City.

Ayon kay Brigadier General Pedro Balisi Jr, ang Commander ng 1st Mechanized Brigade na ang sobrang pagod, gutom at walang patunguhang ipinaglalaban ang dahilan ng kanilang pagtalikod sa ekstremistang pangkat. “Isa pa dito, ang walang humpay na focused military operations ng ating mga kasundaluhan kaya wala na silang mapuntahan dahil walang humpay ang ating pagtugis sa kanila”, giit pa ni BGen. Balisi.

Isinuko din nila ang kanilang mga bitbit na armas na kinabibilangan ng isang US 1911 60mm Mortar; isang Colt M16 Rifle; isang 9mm Tongram; isang Cal .50 Barrett at dalawang mga magazines.

Nabatid na ang apat ay sumuko sa 1st Mechanized Battalion sa ilalim ng nasasakupan ng 1st Mechanized Infantry (Maaasahan) Brigade na nakabase sa Brgy Kalandagan sa nasabing lungsod.

Ikinagalak naman ni Major General Roy Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang magandang hakbang ng apat na mga dating combatants at mababawasan ang karahasan dahil sa pagsuko ng instruments of violence. “Alam kong biktima lamang kayo ng deception at misinformation, kaya ang inyong pagbabalik-loob sa ating pamahalaan ay isang magandang oportunidad na mabibigyan natin ng puwang ang kapayapaan sa land of the Promise, ang Midnanao”, pahayag ni Maj. Gen. Galido.

Sa ngayon, nasa 201 na mga BIFF na ang sumuko sa Joint Task Force Central mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan habang 239 na iba’t-ibang uri ng armas, kasama na ang pampasabog ang nakuha at nakumpiska sa pagsuko at mga operasyon ng militar laban sa pangkat ng BIFF.