Inaasahang sa susunod na linggo ay aprubado na ng Kamara ang P4.1-trillion 2020 proposed national budget.
Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda, sa Biyernes, Setyembre 20 ay target na nilang maipasa ito sa ikalawang pagbasa.
Ayon kay Rep. Salceda, ito na ang maituturing na pinakamabilis na pagpasa ng Kamara ng pambansang pondo at magiging patunay na nagtatrabaho ang “Duterte Super Coalition” sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Tiniyak naman ni Rep. Salceda na walang “pork insertions” o mga isiningit na iligal sa 2020 national budget kahit mabilis lang itong maipapasa ng Kamara.
“Challenge namin sa Senate, sila ang—reklamo nila last year, paaprubahan din nila nang walang insertions. What you see is what you get. What we got is what we will give,” ani Rep. Salceda. “Except for a few words; not a single coma, decimal, semi-colon is changed.”
Gayunman, inamin din nitong mayroong tig-P100 million na alokasyon ang kada kongresista pero hindi umano ito nakalista bilang lump-sum kundi naka-itemize itong proyekto sa General Appropriations Act (GAA).
Kasabay nito, hinamon naman ni Rep. Salceda ang Senado na maaga ring ipasa ang 2020 national budget gaya ng kanilang ginawa at maiwasang maulit ang “deadlock” noong nakaraang taon na nagresulta sa paggamit ng re-enacted budget sa unang bahagi ng taon.