Walang nangyaring iregularidad sa pagpapadala ng election result sa transparency server noong May 13 elections.
Ito ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng mga IT experts ng Parish Pastoral Council For Responsible Voting (PPCRV).
Ayon Kay PPCRV Chair Myla Villanueva, huminto ang pagtanggap ng data sa transparency server dakong alas-6:15 ng gabi at bumalik ito bandang ala-1:19 ng madaling araw.
Nang maayos ang issue ng file transfer manager ay naipadala naman daw kaagad ang resulta sa PPCRV, media at political parties.
Aniya tatlong katanungan ang niresolba ng PPCRV IT experts at lumalabas na walang iregularidad sa halalan.
Una rito ay kung pumasok ang data sa transparency server kahit walang nag-a-appear sa tally board noong gabi ng Mayo 13.
Ayon kay Villanueva, pumasok ang data at nag-match naman ang arrival times sa transparency server logs sa time stamps ng election results mula alas-6:15 ng gabi hanggang ala-1:19 noong Mayo 14.
Pangalawang tanong ay kung nag-match ang nakapasok na data sa Comelec public access website sa data sa transparency server.
Sinabi ni Villanueva na nag-match umano ang data na naa-access sa website ng Comelec sa data sa transparency server at walang naitalang discrepancies.
Pangatlong tanong naman ay kung mayroon talagang bottle neck o technical glitch sa halalan.
Sinuri raw ng PPCRV ang File Transfer Manager Module na siyang nagbibigay ng datos para sa tally board.
Pero dumistansiya naman ang PPCRV sa pagbibigay ng conclusion dito at wala raw sila sa posisyon para ipaliwanag ang naturang isyu.
Mas mainam daw na ang Comelec na ang magpaliwanag sa naturang isyu.
Sa ngayon, nagsasagawa na ang PPCRV ng validation sa physical copies ng election returns na mula sa vote counting machines (VCM) at nasa 41,984 nang ERs o katumbas ng 48.91 percent ang natanggap ng PPCRV ngayong May 20.
Kasalukuyan namang isinasagawa ang random manual audit sa Manila Diamond Hotel sa pamamagitan ng isa pang citizens arm para suriin ang resulta ng 715 randomly-selected clustered precincts sa buong bansa.