Walang karagdagang inilikas na pamilya kasunod ng explosive eruption ng Kanlaon volcano kahapon, April 8.
Ayon kay Canlaon City Public Information Officer Edna Lou Masicampo, hindi nadagdagan ang 837 pamilya na kasalukuyang nasa loob ng mga evacuation center na una nang inilikas sa mga naunang pagsabog ng bulkan. Ang mga ito ay binubuo ng 2,643 katao.
Bago ang panibagong pagsabog ay ligtas nang nananatili sa mga evacuation center ang mga ito at binabantayan ng lokal na pamahalaan.
Gayonpaman, tiniyak ni Masicampo na nananatiling nakabantay ang lokal na pamahalaan sa kabuuan ng Canlaon City at nakahandang magsagawa ng paglikas kung kinakailangan.
Naghahanap na rin aniya ang Canlaon City ng permanenteng lugar kung saan ililipat ang kanilang mga residente na dating natukoy na prone sa panganib na dulot ng bulkang Kanlaon.
Ikinukunsidera ng lokal na pamahalaan ang mga lupaing may layong 13 kms mula sa bunganga ng bulkan.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang ilang lugar na natukoy at isinasailalim na ito sa evaluation sa pagtutulungan ng Office of Civil Defense (OCD) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na tumutulong sa Canlaon City.
Gayunpaman, hindi pa ipinapa-abot sa mga pamilya ang plano ng city government habang hindi pa naisasapinal ang lugar na permanenteng paglilipatan sa mga apektadong pamilya.