Nilinaw ng isang opisyal mula sa Department of Health (DOH) na walang kinalaman sa exposé ang reassignment ni National Center for Mental Health (NCMH) chief administrative officer Dr. Clarita Avila.
Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Roger Tong-an na nakasaad sa liham ni NCMH chief Dr. Roland Cortez na may mga paglabag si Avila kaya nito hiniling ang pagkaka-transfer ng opisyal.
Una nang sinabi ni Avila na kabilang ang kanyang exposé sa mga dahilan kung bakit inilipat siya sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Las Piñas City.
Pati na raw ang pagbanggit niya sa media interviews kaugnay ng gag order na ipinataw sa kanya ni Dr. Cortez.
Batay sa April 13 hospital order ng NCMH, inaatasan si Avila na tulungan ang officer-in-charge sa pagma-manage ng pasilidad para maging operational.
Si Usec. Tong-An naman ang lumagda sa DOH Department Personnel Order na may petsang March 9.