Naninindigan si Senator-elect Bong Go na wala pa ring kridibilidad si Joemel Advincula alyas Bikoy at hindi dapat paniwalaan.
Sinabi ni Go, kahit pabor na sa administrasyon at sa kanila nina Pangulong Rodrigo Duterte ang sinasabi ni Bikoy sa muli nitong paglantad, hindi pa rin nito pinaniniwalaan.
Ayon kay Go, ang mahalaga ay noon pa niya napatunayang walang katotohanan ang mga alegasyon ni Bikoy na sangkot siya sa iligal na droga at may tattoo siya sa likod.
Pero kumbinsido si Go na totoong sina Sen. Antonio Trillanes at oposisyon ang nasa likod kay Bikoy para daw siraan si Pangulong Duterte at mga kandidato ng administrasyon sa katatapos na midterm elections kasama na siya.
Kasabay nito, nananawagan si Go na tapusin na ang maruming politika dahil marami ang nadadamay gaya ng 16-anyos na anak ni Pangulong Duterte na si Kitty.
Samantala, binalewala lamang ng Malacañang ang mga isiniwalat ni Advincula kung saan direktang itinuro si Sen. Sonny Trillanes at iba pang taga-oposisyon na siya umano ang nasa likod ng Bicoy video at Operation Sodoma.
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, mistulang ang mga mismong nasa likod ng kontrobersyal na video ang nag-aaway-away na.
Ayon kay Sec. Andanar nagkokontrahan na sa salita ng mga idinadawit na personalidad gaya nila Bikoy, Trillanes at Liberal Party (LP).
Dahil daw sa mga developments, naging mas kaabang-abang ang drama kaya papunta na raw siya sa grocery para bibili ng popcorn.
“The turn of events have made this drama more interesting. Now its Bikoy’s words vs Sen. Trillanes and the Liberal Party’s. I’m going to the grocery to buy popcorn,” ani Sec. Andanar.